Panoorin ang FULL Gabay sa Mahiwagang Gamit Course (TAGALOG):
Gabay sa Mahiwagang Gamit
Ito ang gabay para malaman ng mambabasa ang sumusunod:
- Ano ba ang mahiwagang gamit
- Paano makakuha ng mahiwagang gamit
- Paano malalaman kung may power ang gamit
- Paano magkaroon ng power ang isang gamit
- Paano alagaan ang gamit
Ano ba ang Mahiwagang Gamit?
Ang mahiwagang gamit ay kahit anong bagay sa mundo na may kapangyarihan. Tinatawag natin itong perlas, mutya, agimat, anting-anting at iba pa. Maaaring bato, kahoy, medalyon o ano pa mang porma.
Ang mga kapangyarihan ay maaaring:
- Pampalakas
- Pampatapang
- Pampaswerte
- Pampaaamo
- Pampatalino
- Pampagwapo
- Pagmamahal
- Pampa-invisible
- Pandepensa sa pisikal o spiritwal
- Panggagamot
- At iba pa
Perlas ng Kapangyarihan – Mukhang Laruan?
Minsan may mga perlas na lalabas mula sa meditation na mukhang laruan pero may power din. Huwag tayong maloko sa hitsura ng isang gamit. Minsan ay makakuha ang mga tao ng mga holen na mistulang laruan ng bata dahil may cartoons lang na nakalagay. Pero hindi tayo dapat tumingin sa halaga ng isang bagay sa panlabas lang nilang anyo kundi sa kapangyarihang taglay nila.
Gaya ng nabanggit, kahit anong ordinaryong gamit ay maaaring lagyan ng kapangyarihan. Kasama na rito ang mga laruan. Kakaiba ito sa turo ng ibang mga antingero na may mga spesipikong hitsura lang ng bato o medalyon na sasabihin nilang maaaring may power.
Kung kaya’t kailangan matuto tayong palakasin ang ating kakayahan sa spiritwal na pananaw para malaman alin ba talaga ang may kapangyarihan o wala.
Paano Makakuha ng Mahiwagang Gamit?
Pwede mo ito:
- Bilhin
- Manahin
- Hanapin
- Gawin
- Palabasin
1. Bilhin
May mga nagbebenta ng iba’t ibang mahiwagang gamit. Maraming groups sa social media para sa mga perlas, anting, agimat, mutya, medalyon at iba pang mahiwagang gamit.
2. Manahin
Kung may manggagamot, spiritwal o misyonaryo na ninuno ang isang tao, maaaring pamanahan sila ng mga mahiwagang gamit.
3. Hanapin
Pwede ring maghanap ng mga mutya sa kalikasan. Kailangan lang mag-ingat dahil maraming iba’t ibang panganib na kailangang pag-ingatan sa kadawagan ng kalikasan.
4. Gawin
Kung matuto kang magkarga ng kapangyarihan sa isang gamit, pwede kang gumawa ng mahiwagang gamit mula sa ordinaryong gamit. Isa rin itong ino-offer na serbisyo – ang maglagay ng power sa isang ordinaryong gamit ayon sa gusto ninyong kapangyarihan.
5. Palabasin
Kung magme-meditate ka, makakapagpalabas kayo ng perlas ng kapangyarihan mula sa kabilang mundo sa pagsikap niyo ng sinsero. Oo, parang magic kasi pwedeng lumitaw lang bigla sa paligid niyo.
Ito ang limang paraan para makakuha ng mahiwagang gamit. Pero mas maganda ay bago mo bilhin ang gamit o magdesisyong mahiwaga ito, kailangan ay siguraduhin mo na may power ba talaga ito.
Paano Ko Malalaman kung May Power o Wala ang Gamit?
Mabuksan ninyo ang inyong 3rd Eye para malaman kung may power talaga ang isang diumanong mahiwagang gamit. Sa taus-pusong pagsisikap, pwede kayong makakita ng mga kapangyarihan ng mga gamit na hawak ninyo.
Kung gusto ninyo ng tulong, mayroong libreng basic aura sa gamit para malaman kung may halaga o wala ang isang gamit. Para naman sa detalyadong pag-aura sa gamit, pwede kayong mag-avail ng premium aura sa gamit.
Paano Nagkaroon ng Power ang Gamit?
May iba’t ibang paraan na magkapower ang mga bagay sa mundo (perlas, mutya, agimat, anting at iba pang tawag natin sa mahiwagang gamit). Ipapaliwanag ko ang mga pamamaraan dito:
1. Power Mula sa Mundo ng Tao
Lahat ng bagay sa mundo ng tao ay may angking perlas, mutya o agimat kung marunong ka.
Mga hayop at kanilang mutya:
- Mutya ng ibon – Maliksi ka sa kilos
- Mutya ng linta – Di ka mamatay kahit gilitan ka sa leeg
- Mutya ng unggoy – Magaling ka magnakaw
- Mutya ng taklobo – Para lumakas ang pagkuha ng katas ng tuba
Mga elemento ng kalikasan:
- Mutya ng apoy – Mainit ulo mo para makipag-away para sa sundalo
- Mutya ng tubig – Mapagmahal ka sa mga kapwa mong tao
- Mutya ng hangin – Mataas ang resistensya at endurance. Mapagpasensya ka
- Mutya ng lupa – Magiging mapagkumbaba ka at di ka madaling magalit. Magaling ka ring magmina at magtanim
Mga halaman at puno:
- Saging – Pampaswerte
- Gabi – Di ka mabasa ng ulan
- Mangga – Gayuma para sa babae
- Narra – Gusto mong dumaan sa matuwid na daan
- Libon na niyog – Maging invisible ka para sa gyera
2. Power Mula sa Ibang Mundo
May dalawang klase ng pagkaroon ng power mula sa kabilang mundo:
Una: Ang bato ay nariyan na sa paligid mo pero nalagyan lang ng ilaw sa pagme-meditate.
Pangalawa: Ang bato ay nabuo mula sa mga liwanag na naipon mo sa meditation. Nagmaterialize ka ng perlas mula sa liwanag sa hangin. Malagyan ng ilaw mula sa mundo ng Engkanto o sa Langit, Impyerno at iba pang mundo.
3. Dasal o Orasyon
Kahit anong bagay sa mundo ng tao ay maaaring malagyan ng power kung dasalan o orasyunan. Kahit ano talaga.
Isang halimbawa: Ang mga medalyon ay gawa ng mga tao ayon sa mga simbolong banal. Kung wala pang dasal ang mga ito, walang power at maaaring malakaran na hindi magkasakit. Pero kung may power na, hindi na pwede lakaran at tratuhin ng walang respeto.
Hindi lang ito para sa mga gamit kundi pati na rin sa pagkain. Kailangan na tayo mag-ingat pagkatapos na madasalan na ito.
Halimbawa ang Ostiya. Bago blessingan ay ordinaryong tinapay lang yan pero kapag makonsagrahan na kahit ng isang ordinaryong pari ay hindi na pwede disrespetuhin. Kung matapakan ito, pwedeng magkasakit o madisgrasya ang nakatapak.
Ang mga makuha ring perlas sa kabilang mundo ay pwedeng orasyunan. Mas lalakas pa nga lalo ang mga perlas kung lagyan ng orasyon basta tama ang mga orasyon. Pinakamalakas nga ang mga gamit na may power mula sa tatlong pinagmulan.
Nagiging mahiwagang gamit ang gamit dahil may power ito mula sa:
- Mundo ng tao
- Kabilang mundo
- Orasyon / dasal
Paano Alagaan ang Mahiwagang Gamit?
1. Dasalan
Ang mga mahiwagang gamit ay makukuha sa taimtim na pagdasal na makahanap tayo sa kanila. Kung nakahanap na tayo sa kanila ay dapat magdasal din tayo para palakasin at panatiliin ang mga kapangyarihan nila.
Kahit saan nanggaling ang mga makapangyarihang perlas, mutya o agimat natin (mundo ng tao, kabilang mundo o gamit na inorasyunan), lahat sila ay nangangailangan ng dasal. May gabay sa pagdasal na libreng ma-download para sa pangkalahatang dasal upang pakainin ang mga perlas, mutya o agimat.
2. Iwasan ang Sumpa
Kailangan alamin ang sumpa ng bawat isang gamit. Ang sumpa sa gamit ay ang bagay na dapat hindi mo gawin para ito ay manatiling may bisa. Iba’t iba ang mga sumpa ng kada gamit.
Kalimitan sa mga perlas ay hindi pwede dalhin sa mga lugar ng kasalanan o kahalayan:
- Nightclub
- Drogahan
- Inuman
- Pokpokan
- Landian
- At iba pa
Kung pupunta ang taong may perlas sa ganitong lugar, dapat iwan na lang niya ang mga perlas niya sa bahay o di kaya sa sasakyan para di mawalan ng power ang kaniyang perlas.
Hindi naman lahat ng gamit ay ganito. May mga gamit naman na iba ang sumpa. Halimbawa nito ay ang Habak de Gyera o Habak de Spiritwal na ang sumpa lang ay kalandian at ang pagtesting nito na walang totoong engkwentro.
May mga gamit din na di pwedeng dalhin sa patay o sa sementeryo.
Kahit ano ang gamit mo, alamin mo ang sumpa at iwasan ang sumpa para di mawalan ng bisa ang gamit mo.
3. Ilagay sa Saktong Lalagyan
Kung dalhin ninyo ang mga mahiwagang gamit ninyo kung saan-saan, ilagay ninyo sila sa saktong lalagyan. Nasa inyo kung gusto ninyo ipakita o itago.
Kung gusto ninyo itago:
Ibalot sa puting tela o papel. O di kaya sa mga plastic na envelope para di sila madumihan. Tapos ilagay ninyo sa isang matigas na case para di sila mabasag – lalo na ang mga perlas na babasagin. Huwag ninyo sila ilagay sa may singit o kili-kili ninyo.
Kung gusto ninyo ipakita:
Pwede rin namang gawing alahas tapos isuot sa katawan kung gusto ninyong makita ng iba. Bracelet, singsing, kwintas, korona o ano pa man na gusto ninyong gawing paraan ng pagsuot, ok lang. Ingatan lang na di masira lalo na kung maligo kayo sa dagat / ilog o mapunta kayo sa gubat na baka may masabit.
Para sa akin, hindi ko gusto maipakita lahat at mas gusto kong nakatago ang mga mahiwagang gamit ko. Hindi rin madaling mawala kung sakaling mapigtas ang alahas na gawa sa mga mahiwagang gamit ko.
4. Huwag Lakaran
Ang mga malalakas na gamit ay hindi pwedeng lakaran. Kahit ano na nablessingan o nakargahan na ng kapangyarihan ay hindi na pwedeng lakaran dahil makakabigay ito ng sakit sa makakalakad nito.
Kailangan ninyong ingatan na hindi ilagay ito sa mga mababang lugar lalo na para sa mga batang makulit na walang kaalam-alam sa epekto ng mga mahiwagang gamit na ito. Sila kadalasan ang napapahamak sa paglalakad sa mga ganitong gamit.
Huwag ilagay sa ilalim ng hagdan o saan mang lugar na malalakaran.
5. Ilagay sa Altar
Ang safety gawin kapag nasa bahay ka na ay ilagay ang mga mahiwagang gamit sa altar na nakataas. Dito mo na rin dadasalan ang mga mahiwagang gamit para mapakain at manatiling malakas ang power ng gamit.
Mas maganda ay nakasarado ang altar mo para hindi manakaw ng kahit sino. Kung ilagay mo lang kahit saan ang mga mahiwagang gamit mo at hindi bantayan ng maayos, mananakaw ang mga gamit mo. Hindi lang tao ang pwede magnakaw kundi ang mga engkanto at iba pang hindi nakikitang nilalang.
6. Pa-Blessingan
Mas maganda na mapa-blessingan ang mga gamit ninyo sa mga taong marunong magblessing sa gamit para mas lalo pang lumakas ang mga gamit ninyo.
Paalala
Sana ay mapahalagahan ninyo ng maayos ang lahat ng mahiwagang gamit ninyo at magamit ito ayon sa kalooban ng Panginoon para sa ikabubuti ninyo at ng mga tao sa paligid ninyo.
Maraming salamat po at God bless!
